Kababaihan ang mamumuno sa kapwa kababaihan para sa mas malulusog na puso

WHITE PLAINS, N.Y., Ene. 26, 2025 — Inanunsyo ng American Heart Association, isang hindi matatawarang puwersang pinapagbago ang hinaharap ng kalusugan para sa lahat kahit saan, ang pamunuan ng 2025-2026 Westchester/Fairfield Go Red for Women movement, na magwawakas sa pamamagitan ng isang pangkomunidad na selebrasyon sa Miyerkules, Marso 4 sa The Opus Westchester sa White Plains, N.Y.

Dalawang kampeon ng pagbibigay-kapangyarihan sa kababaihan at pagbabago sa komunidad ang mamumuno sa kilusan ngayong taon: sina Lilian Dutra, CEO at founder ng AEN Talent Search, at Mia Schipani, chief communications officer at founder ng Schipani PR. Si Dutra, na ang gawain ay nakasentro sa pagtulong sa kababaihan na mapagtagumpayan ang kanilang mga career sa pamamagitan ng pagpasok sa mga makabuluhan at kasiya-siyang role, ay makikipagtulungan kay Schipani, isang communications leader na may mahigit 25 taong karanasan sa brand marketing, media relations, at strategic storytelling sa iba't ibang industriya.

Ang Go Red for Women ay ang pangunahing inisyatiba ng Association sa pagpapabuti sa kalusugan ng puso ng kababaihan sa pamamagitan ng pagbibigay-alam tungkol sa mga natatanging panganib na kanilang kinahaharap. Nananatili ang cardiovascular disease bilang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa kababaihan, pero 44% lang ng kababaihan ang nakakaalam sa ganitong impormasyon. Halos 45% ng kababaihan edad 20 pataas ay nagkaroon na ng isang anyo ng cardiovascular disease mula 2017 hanggang 2020. Dahil sa palagiang kakulangan sa pananaliksik, diagnosis, at paggamot, nananatiling kulang ang pagkonsidera at pagsisilbi sa kababaihan. Layunin ng kilusan na baguhin ito sa pamamagitan ng paglinang sa kapangyarihan ng komunidad, koneksyon, at magkakaparehong karanasan.

“Personal, nakakalito, at kadalasan ay mapag-isa ang kalusugan, lalo na sa mga kababaihang matagal nang hindi nabibigyan ng pansin pagdating sa pananaliksik at pangangalaga sa puso,” ayon kina Dutra at Schipani sa isang joint statement. “Kaya naman napakahalaga ng kampanyang ito para sa atin. Kung ang bawat babae ay susuportahan ang isa't isa, magbabahagian ng impormasyon, at sama-samang maninindigan, lilikha tayo ng mas magagandang resultang pangkalusugan para sa lahat. Ikinararangal naming pamunuan ang pagsisikap na ito at bigyang-inspirasyon ang ating komunidad to Go Red, nang sama-sama.”

Pinuri ni Kristen Alouisa, ang executive director ng American Heart Association sa Westchester at Fairfield County, ang commitment ng dalawang chair sa pag-angat sa kalusugan ng kababaihan.

“Sina Lilian at Mia ay napakahuhusay na tagapagtaguyod na nauunawaan ang kahalagahan ng komunidad at koneksyon sa pag-abante ng kalusugan ng puso ng kababaihan,” ayon kay Alouisa. “Sa kanilang pamumuno, mapapalakas ang kilusang ito at makakatulong ito sa mas maraming kababaihan na mabigyan ng pansin, kaalaman, at suporta.”

Pagsasama-samahin ng selebrasyon ng 2026 Westchester/Fairfield Go Red for Women ang mga survivor, tagapagtaguyod, clinician, volunteer, at tagasuporta para sa isang gabi na nakalaan para sa pagbibigay ng kaalaman, pagbibigay ng kapangyarihan, at pagkilos.

Samahan kaming baguhin ang kalusugan ng puso ng kababaihan. Para suportahan ang kilusan sa pamamagitan ng leadership, fundraising, o sponsorship, makipag-ugnayan kay Chastidee Davis-Wright sa Chastidee.Davis@heart.org o bisitahin ang heart.org/goredwestchester. (website sa Ingles)

Mga karagdagang resource:

###

Tungkol sa American Heart Association

Ang American Heart Association ay tuloy-tuloy na nagsisikap para sa isang mundo kung saan mas mahaba at mas malusog ang buhay ng mga tao. Nakatuon sa pagtiyak ng pantay-pantay na kalusugan sa lahat ng komunidad, nangungunang source ang organisasyon para sa impormasyon sa kalusugan sa loob ng mahigit isang daang taon na. Sinusuportahan ng mahigit 35 milyong volunteer sa buong mundo, pinopondohan namin ang makabagong pananaliksik, isinusulong namin ang kalusugan ng publiko, at nagbibigay kami ng mga napakahalagang resource para makapagligtas at makapagpabuti ng mga buhay na apektado ng cardiovascular disease at stroke. Sa pamamagitan ng paghimok ng mga pag-unlad at pagpapatupad ng mga napatunayan nang solusyon sa agham, patakaran, at pangangalaga, tuloy-tuloy kaming nagsisikap para maisulong ang kalusugan at makapagpabago ng mga buhay bawat araw. Kumonekta sa amin sa heart.org (website sa Ingles), FacebookInstagramX o sa pamamagitan ng pagtawag sa 1-800-AHA-USA1.

Tungkol sa Go Red for Women® 

Ang pangunahing inisyatiba ng American Heart Association na Go Red for Women® ay isang komprehensibong platform na idinisenyo para pataasin ang kaalaman tungkol sa kalusugan ng puso ng kababaihan at maging tagapagtaguyod ng pagbabago para mapabuti ang buhay ng kababaihan sa buong mundo. Bagama't karamihan sa mga cardiac event ay puwedeng maiwasan, cardiovascular disease ang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa kababaihan, na kumikitil ng 1 sa 3 babae. Sa loob ng mahigit dalawang dekada, pinapataas ng Go Red for Women ang kaalaman. Ginagamit ng kilusan ang sigla, malasakit, at kapangyarihan ng kababaihan para magtulong-tulong at sama-samang talunin ang sakit sa puso. Hinahamon sila nito na alamin ang kanilang panganib na magkaroon ng sakit sa puso at kumilos para mapababa ang kanilang personal na panganib. Nagbibigay rin ito sa kanila ng mga kailangan nila para magkaroon ng heart healthy na pamumuhay. Ang Go Red for Women movement ay sino-sponsor ng CVS Health sa buong bansa, at nakakatanggap ito ng mga karagdagang suporta mula sa mga tagasuporta ng mga adhikain sa buong bansa. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang GoRedforWomen.org (website sa Ingles) o tumawag sa 1-800-AHA-USA1 (242-8721). 

Para sa mga Inquiry ng Media:

Bong Arquiza: Bong.Arquiza@heart.org

Para sa mga Inquiry ng Publiko: 1-800-AHA-USA1 (242-8721)

heart.org (website sa Ingles) at stroke.org (website sa Ingles)

AHA Logo
This link is provided for convenience only and is not an endorsement of either the linked-to entity or any product or service.
CLOSE PROCEED